-- Advertisements --

Rehashed o paulit-ulit, ito ang naging banat ng House prosecution panel spokesperson na si Representative Zia Alonto Adiong sa sagot ni Vice President Sara Duterte sa kinakaharap nitong Articles of Impeachment.

Sa isinumiteng 51-pahinang dokumento ng Bise Presidente, iginiit niyang walang bisa ang impeachment proceedings dahil ginawa umano ito sa “bad faith” at may kinikilingan.

Ayon naman kay Adiong, patunay lamang ito na walang matibay na counter-evidence ang kampo ni Duterte para tapatan ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Mula pa aniya sa simula ay puro teknikalidad at konstitusyonalidad na ang idinadahilan ng Bise Presidente kahit pa lampas na ang komite sa usaping ito.

Punto-por-punto namang sinagot ni Duterte ang apat na Articles of Impeachment kabilang ang isyu ng misuse ng confidential funds at unexplained wealth.

Depensa ng Bise Presidente, hindi siya pwedeng kasuhan base sa Notice of Disallowances ng Commission on Audit (COA) dahil hindi pa naman ito pinal.

Wala rin daw elemento ng graft and corruption dahil legal na nakuha ang pondo sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management at apruba ng Malacañang.

Itinanggi rin niya ang alegasyong sinuhulan niya ang mga opisyal ng DepEd dahil wala naman daw ebidensya na sa kaniya galing ang pera.

Ginamit din ni Duterte ang “freedom of expression” para depensahan ang sarili sa ika-apat na Article of Impeachment hinggil sa “grave threats” o pagbabanta sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Paliwanag niya, sinasagot lamang niya ang tanong ng reporter tungkol sa “Operation Romanov” at wala siyang intensyong manakit.

Buwelta naman ni Adiong, walang absolute freedom at direktang pagbabanta sa Pangulo ang ginawa ng Bise Presidente na malinaw na napanood sa telebisyon.