Bukas ang House Minority bloc sakaling maglunsad ng motu propio investigation ang Ethics Committee ng kapulungan hinggil sa umano’y mga korap na kongresista.
Pahayag ito ni Minority Leader Joseph Stephen Paduano isang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na natanggap na niya ang listahan ng pangalan ng mga kongresistang sangkot sa korapsyon subalit wala naman siyang kapangyarihan para imbestigahan ang mga ito.
Sa kanilang virtual press conference nitong hapon, sinabi ni Paduano na walang problema sa kanila sakaling maglunsad ang liderato ng Kamara ng imbestigasyon sa kanilang mga kapwa kongresista.
Pero ang desisyon aniya para sa paglulunsad ng motu propio investigation ay nakasalalay sa desisyon ng mga miyembro ng Ethics Committee base sa House Rules.
Gayunman, naniniwala si Paduano na magandang gawin ngayon ng mga nag-aakusa ay kasuhan na lamang ang mga sinasabing tiwaling kongresista.
Iginiit naman ni Iloilo Rep. Sharon Garin na sayang lamang ang oras at resources ng Kamara sakaling imbestigahan pa ang usapin na ito lalo pa kung marami aniya ang dawit sa listahan na hawak na ngayon ng Pangulong.
Ang pagkakadawit ng ilang opisyal sa issue ng korapsyon ay marahil resulta aniya nang pagiging maluwag ng pamahalaan sa costing ng mga proyekto.
Nauna nang tumanggi si Pangulong Duterte na sumawsaw sa issue dahil sa hiwalay na sangay ng gobyerno ang kinabibilangan ng mga kongresista.
Ipinauubaya na lamang niya ang usapin na ito sa Office of the Ombudsman, bagay na sinang-ayunan naman ni Paduano.
Maging si House Public Accounts Committee chairman Mike Defensor ay nagsabi na ang Office of the Ombudsman ang siyang proper body na mag-iimbestiga sa issue na ito.
“The President is correct in saying that the executive branch has to respect the independence of the legislative branch and that constitunally the ombudsman would be the appropriate body to conduct the investigation,” ani Defensor.