Inirekomenda ng Houes Committee on Good Government and Public Accountability na kasuhan ng estafa ang ilang executives ng Pharmally Pharmaceutical Corp. kauygnay sa umano’y kuwestiyonableng pagbili ng pamahalaan ng mga medical supplies na kailangan para sa COVID-19 pandemic noong 2020.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Michael Aglipay, na kanilang inirerekomendang kasuhan ng estafa sa Department of Justice sina Pharmally chairman Huang Tzu Yen, treasurer Mohit Dargani, president Twinkle Dargani, Pharmally director Lincoln Ong, at iba pang opisyal ng kompanya na sina Justine Garado at Krizle Grace Mago.
Nakasaad aniya sa kanilang committee report na inabuso ng mga opisyal ng Pharmally ang “more lenient” o mas maluwag na procurement regulations sa Bayanihan Act One sa kontrata nito sa pamahalaan.
Iginiit ng kongresista na nagkakahalaga ng P8.68 billion ang nakuha at misappropriated funds mula sa general public.
Ang kaso na ito ay masasabi rin aniyang compliant sa element ng syndicated estafa kung saan dapat nasa limang katao ang siyang involved.
Nakita rin aniya nila na “extremely deficient” ang requirements na ibinigay ng Government Procurement Policy Board (GPPB) sa mga suppliers sa ilalim ng emergency procurement ng Bayanihan Act One.
Pinakakasuhan din ng komite ng kaukulang kaso ang mga dating executives ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM), Jorge Mendoza II at Mervin Ian Tanquintic.
Nauna nang inamin nina Mendoza at Tanquintic na pinirmahan umano ang mga inspection reports kahit pa ang covid-19 supliers ay nasa China pa at hindi pa natitingnan ng mga awtoridad.
Samantala, hindi naman kasama sa mga kinasuhan sina dating presidential economic adviser Michael Yang at dating executive director ng PS-DBM na si Christopher Lao dahil as kakulangan ng ebidensya.