Mga panukalang batas na magbibigay ng maraming benepisyo sa mga health workers lusot na sa komite sa Kamara
Aprubado na “in principle” ng House Committee on Health ang ilang panukalang batas na naglalayong bigyan ng benepisyo, kabilang na ang special risk allowance, active duty hazard pay, at insurance ang mga public at private health workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inaprubahan ng komite ang House Bills No. 9640, 10198,10285, at 10365 pero subject to style pa rin ang mga ito.
Iminungkahi naman ng chairman ng komite na si Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan na huwag lang pera ang ibigay na benepisyo sa mga health workers na nasa frontlines ng laban kontra COVID-19.
Inirekomenda rin niya ang pagbibigay ng komprehensibong healthcare benefits sa mga medical personnel na tinamaan din ng COVID-19.
Hindi aniya dapat maglabas ng sariling pera ang mga health workers na ito para sa kanilang COVID-19 treatment.
Sa ilalim ng House Bill No. 9640 na inihain ng Makabayan Bloc, bibigyan ng P150,000 special risk allowance at P5,000 active hazard duty pay ang lahat ng health workers sa pampubliko at pribadong sektor, sa mga ospital at iba pang health facilities sa tuwing mayroong public health emergency.
Sinabi ng grupo na ang kasalukuyang allowance at hazard pay sa mga medical workers ay hindi sapat at limitado pa.