Nakatakdang magpulong sa susunod na linggo ang House Committee on Legislative Franchises na may kaugnayan sa nakabinbin na mga panukala para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na ilalatag muna ng komite ang rules sa pagtalakay ng 11 panukala para sa prangkisa ng Lopez-led broadcast company para maiwasang mauwi sa circus ang pormal na pagdinig dito.
Ala-1:00 ng hapon sa darating na Marso 10, 2020 nakatakda ang naturang pagpupulong, kung saan imbitado ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay para bigyan aniya ng instruction ang NTC sa pagbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN para makapag-operate pa rin ito kahit mapaso ang prangkisa sa darating na Mayo.
Hangad din ng pagpupulong na ito, ayon kay Cayetano, na muling ipanawagan sa mga pabor at tutol sa franchise renewal application ng media giant na isumite ang kanilang posisyon sa naturang usapin bago ang pormal na pagdinig ukol dito.
Ito rin ang dahilan aniya kung bakit hindi raw muna nila inimbitahan ang mga matataas na opisyal ng ABS-CBN.