Hinimok ni House Deputy Speaker for Finance LRay Villafuerte ang publiko na makibahagi online sa deliberasyon ng Kamara sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
“It’s the first time that we’re conducting a budget deliberation hearing under the new normal. So we’re encouraging all sectors to give out their ideas because the priority of the Speaker (Alan Peter Cayetano) for this Congress is to focus on COVID response and recovery,” ani Villafuerte.
Bagama’t hindi pa aniya nila naisasapinal ang mechanics at protocols para sa direct participation ng publiko sa budget hearings, maari naman na magkomento ang mga ito sa official Facebook page ng Kamara kapag nagla-live stream ng pagdinig.
Tinitingnan din aniya sa ngayon ng Kamara ang posibilidad na bumuo ng isang hiwalay na message board at social media account upang sa gayon ay mas marami pang mga participants ang kanilang ma-accommodate.
Nauna nang binigyan diin ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahan nang partisipasyon ng lahat sa paghimay ng panukalang pambansang pondo, na naglalayong tugunan ang pangangailangan at ang epektong idinulot ng COVID-19 pandemic sa buhay ng mga mamamayan, negosyo at iba pang mga sektor.