Nangako ang liderato ng Kamara na kanilang bubusisiin ng husto ang mga nilalaman ng 2021 National Expenditure Program (NEP).
Ito ay kahit pa sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na target nilang maiakyat sa Senado ang P4.506-trillion proposed 2021 national budget sa darating na Nobyembre.
Tinitiyak ni Cayetano na magiging transparent ang Kamara sa paghimay sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon at bibigyan ng sapat na panahon ang oposisyon na mailahad ang kanilang posibleng pagtutol sa ilang probisyon.
Ayon kay House Committee on Appropriations chairman Eric Go Yap, layon nilang maisaayos kaagad ang pagpasa ng panukalang pambansang pondo at tiyakin na hindi lamang sa panahon ng pandemya mararamdaman ang tulong kundi sa pang araw-araw na buhay ng bawat Pilipino.
Ang proposed budget sa susunod na taon ay 9.9 percent na mas mataas kung ikukumpara sa P4.1-trillion na pondo ngayong 2020, ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado.
Tinaasan ito dahil layon ng pamahalaan na ma-sustain ang kanilang efforts sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Pinakamalaking bahagi ng Fiscal year 2021 NEP ay mapupunta sa Personal Services, na nagkakahalaga ng P1.32 trillion.
Gagamitin ang pondong ito sa hiring ng karagdagang health workers sa ilalim ng Human Resource for Health Program ng Department of Health (DOH), second tranche ng implementation ng Salary Standardization Law, at sa increase pension requirements ng military at iba pang uniformed personnel.
Pumapangalawa naman ang Capital Outlays sa halagang P920.5 billion, o 20.4 percent ng proposed budget, na mas mataas ng 12.9 percent kung ikumpara sa alokasyon ngayong 2020.
Ang pagtaas ng pondo para sa Capital Outlays ay dahil na rin sa increase sa infrastructure programs ng Department of Public Works and Highways at Department of Transportation.
Samantala, ang alokasyon para sa Maintenance, Operating and Other Expenditures sa susunod na taon ay nagkakahalaga ng P699.4 billion.
Sa mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan, nananatili pa rin ang edukasyon ang siyang may pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng P754.4 billion.
Sinusundan ito ng DPWD na may proposed budget na P667.3 billion, Department of Interior and Local Government sa halagang P246.1 billion, Department of National Defense sa halagang P209.1 billion, DOH sa halagang P203.1 billion, Department of Social Welfare and Development sa halagang P171.2 billion, DOTr sa halagang P143.6 billion, Department of Agriculture sa halagang P66.4 billion, Judiciary sa halagang P43.5 billion, at Department of Labor and Employment sa halagang P27.5 billion.