Inaprubahan na ng Ways and Means Committee ng Kamara ang ika-apat na package ng Comprehensive Tax Reform Program ng Duterte administration.
Matapos gamitin ang House Rule 10 Section 48, mabilis na pinagtibay ng komite ang House Bill 304 o Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act of 2019.
Sa ilalim ng naturang panukala, tataas ng 15 percent ang income tax rate sa interests, dividens at capital gains. Kapalit nito ang pagbawas naman sa buwis sa savings accounts, pre-need, pension at life insurance.
Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda, papalo sa P4.2-billion ang inaasahang kita ng gobyerno sa tax measure na ito.
Ipinagmalaki ng kongresista na higit na makikinabang sa ilang probisyon ng panukala ang mga mahihirap at mga nasa middle class na Pilipino.
Nakasaad kasi rito na aalisin na ang buwis ng mga documentary stamps kagaya na lamang ng sa diploma, transcirpt at iba pang school records.
Bukod dito, tatanggalin na rin ang buwis sa documentary staps para sa Oath of Office, Good Moral Standing Certificates, affidavits at notarized documents at marami pang iba.
Sa tantsa ni Salceda, nasa P450 million ang “foregone revenue” rito ng gobyerno.