Muling nagpulong ang Committee on Agriculture and Food kahapon, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, para talakayin ang mga panukalang amyenda sa Republic Act 11203, o Rice Tariffication Law (RTL).
Sinabi ni Enverga na overwhelming ang panawagan na rebyuhin ang nasabing batas bago magtapos ang taon.
Inihain ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing ang House Bill (HB) 212, na nagmumungkahi na amyendahan ang Section 13 ng RTL, upang mas mapalawig ang epekto RCEF sa pagiging produktibo ng mga magsasakang Pilipino, at kanilang kita.
Inihain rin ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang HB 9030, o ang “Philippine Rice Emergency Response Act,” na naglalayong gawaran ang pamahalaan ng sapat na kapangyarihan, upang agad na matugunan ang mga problema sa kakulangan ng bigas.
Nakita ni Quimbo ang pagtaas sa presyo ng bigas na idinulot ng gastusin na may kaugnayan sa pagpapagiling at transportasyon.
Iminungkahi ni Quimbo na dalhin ang bigas na mas malapit sa publiko.
Suhestiyon din ni Quimbo na gamitin ang hindi nagagamit na pondo mula sa 2023 RCEF, na nagkakahalaga ng P19 bilyon, ang P1 bilyon para sa kasalukuyang taon ng RCEF, P27 bilyon mula sa rice program, at P9 bilyon na inilaan sa pagbili ng palay, sa ilalim ng 2024 na pondo ng NFA.
Inihayag naman ni Speaker Martin Romualdez na layon ng pag-amyenda sa RTL ay para mapayagan na ang NFA na magbenta ng bigas sa merkado sa abot kayang presyo.