-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng pamunuan ng hotel na tinutuluyan ng mga miyembro ng Philippine women’s football team na lalaban sa 30th Southeast Asian Games na hindi nila tinipid ang mga atletang ito sa pagkain.

Taliwas sa kumalat na balita kamakailan, iginiit ng Whitewoods Convention and Leisure Hotel sa kanilang liham kay SEA Games Team Philippines chef de mission William Ramirez noong Nobyembre 25 na chicken sausage at hindi kikiam ang inihain nila sa breakfast buffet ng mga atleta.

“The other Pinoy athletes also know that they ate Chicken Sausage,” saad ni hotel president at CEO Edgardo Capulong.

Sinabi rin nila sa kanilang liham na hindi kasama ang kikiam sa kanilang menu at ang listahan ng mga pagkain na kanilang inihahain ay dumaan sa matinding pagsusuri ng hilippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Food Audit Team.

“Our food serving is generous because we decided a free and open buffet service complete with egg omelet station that is not part of our contract.”

Samantala, dismayado si Capulong sa naging aksyon ng mga atleta, katulad na lamang ng paglalahad ni Hali Long ng inis nito sa social media sa halip na lumapit muna sa pamunuan ng hotel.

“Honestly, we regret that this athlete did not direct the concern to the management or to your duly appointed facilitator, but resorted immediately to clicking to Facebook which went viral very fast,” ani Capulong.

Nakakalungkot lamang aniya na mismong mga kinatawan pa mismo ng bansa ang unang sumira sa dignidad ng sambayanang Pilipino.