Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros na isama rin ang mga transport cooperatives sa ayuda ng gobyerno para matugunan ang tumataas na presyo ng langis dulot ng patuloy na labanan sa Middle East.
Ayon sa senadora, kasalukuyang walang tulong na napupunta sa mga kooperatiba, kaya maraming driver ang hindi makapasada, lalo na nang ipagpaliban ang planong taas-pasahe.
Sinabi ni Hontiveros na dapat suportahan ang lahat ng transport service providers, hindi lamang ang mga indibidwal na nasa krisis, upang maiwasan ang pagka-paralisa ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Dagdag pa niya, ang ayuda ay dapat mapunta sa lahat ng uri ng PUV drivers, kahit hindi sila kabilang sa pinakamahihirap, dahil kailangan nila ng agarang karagdagang kita.
Bilang tugon, humiling siya sa Department of Budget and Management (DBM) na pag-aralan kung paano maipapagamit ang P30 billion pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programa nitong Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), pati na rin ang suporta sa kanyang panukalang supplemental budget na P52.8 billion. Kabilang dito ang P12 billion transport subsidy para sa mga PUV drivers, delivery riders, at TNVS drivers.
Simula noong Pebrero 28, tumataas ang presyo ng langis dahil sa giyera sa Middle East, kung saan nagsagawa ng military operation ang Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na sinundan naman pambobomba ng Iran sa mga kaalyado ng U.S. at Israel.
Bagama’t ipinagpaliban ni President Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang one-peso fare hike, naglabas siya ng P21.47 billion para sa fuel subsidies ng mga driver.
















