Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa pamahalaan na makinig at agad umaksyon sa hinaing ng transport sector sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa senador, dumarami ang mga commuter na umaasa sa pampublikong transportasyon, ngunit nababawasan naman ang bumibiyahe na public utility vehicles dahil sa pagkalugi.
Sinabi ni Hontiveros na hindi sapat ang pansamantalang hakbang tulad ng suspensyon ng excise tax at iginiit na kailangan ng mas konkretong solusyon para sa sektor.
Bagama’t kinilala niya ang P5,000 transport subsidy, sinabi niyang kulang ito at dapat pang palawakin, lalo na’t umaabot na sa tinatayang ₱1,000 ang lugi kada araw ng isang modern jeepney unit.
Iminungkahi rin ng senador sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1986 ang isang ₱52.8 bilyong subsidy package, kabilang ang ₱12 bilyon para sa transport subsidy na makikinabang ang mga tsuper ng PUV, delivery riders at TNVS drivers.
Bukod dito, binigyang-diin ang pangangailangang suportahan ang transport cooperatives at palawakin ang service contracting program upang masigurong tuloy ang operasyon ng mga tsuper.
Nanawagan din si Hontiveros na pabilisin ang pamamahagi ng ayuda at alisin ang mga hadlang tulad ng “first owner” rule na aniya’y nagpapahirap sa maraming operator.
Giit ng senador, kailangang agad kumilos ang pamahalaan upang maiwasan ang mas malalang epekto sa transport sector at sa presyo ng mga bilihin.
















