-- Advertisements --

Naninindigan si Senator Risa Hontiveros na kailanman ay hindi magiging crime scene para sa mga Chinese ang Pilipinas kung kaya’t dapat ma-arest at ma-deport kaagad ang mga Chinese na nasa bansa.

Humingi na rin ito ng tulong kay Chinese foreign minister Wang Yi upang suportahan ang law enforcement agencies ng Pilipinas sa pag-aresto at pagpapa-deport sa mga sindikatong Chinese.

Partikular na ang mga sangkot sa pagpupuslit ng mga iligal na bakuna at gayundin ang may koneksyon sa local Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) industry.

Ayon kay Hontiveros, dapat ay makipagtulungan ang foreign minister ng China para hulihin ang mga sindikato. Kung gaano raw ka-agresibo ang China sa pag-angkin sa West Philippine Sea, ay ganito rin daw dapat ito ka-agresibo sa pag-aresto ng mga Chinese criminals na nagtatago sa bansa.

Ngayong linggo lang daw ay naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang pitong Chinese at isang Pilipino na pare-parehong dawit sa kidnapping, panggagahasa at pagpatay sa mga Chinese POGO workers sa San Pedro, Laguna.

Ani senadora, isa lamang ito sa napakaraming krimen na dulot ng POGO industry. Nagtataka rin ito dahil sa kabila ng pagiging iligal ng POGO ay tuloy pa rin ang operasyon nito sa Pilipinas.

Maari rin daw tulungan ni Wang ang Department of Foreign Affiars (DFA) na resolbahin ang mga isyu na bumabalot sa POGO industry.

Kung maalala, noong Disyembre nang nakaraang taon ay hinamon ni Hontiveros ang Bureau of Immigration na damihan pa ang naaarestong illegal Chinese workers sa bansa.

Ito ay matapos arestuhin ang nasa 300 Chinese employees dahil sa pagsasagawa ng illegal online gambling activities sa Tarlac.

Noong nakaraang linggo naman ay hinikayat ng senadora ang Beijing na magsagawa rin ng sarili nilang imbestigasyon ukol sa mga pagpasok sa bansa ng mga hindi otorisadong COVID-19 vaccines.