-- Advertisements --

Mahigpit na pinatututukan ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos ang mga pamilihan, supplier ng medical equipment at supermarkets sa NCR plus at iba pang lugar na kung saan napaulat ang panic buying at hoarding ng mga taong may kakayahang bumili ng sobrang stocks.

Kinakalampag ng senador ang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP) na i-monitor at kasuhan ang mga consumer na sobra-sobrang bumili ng mga produkto para hindi maubusan ang ibang nangangailangan.

Tinukoy ni Marcos ang ulat na nagkakaubusan na ng oxygen tanks at accessories nito sa Cebu city at Aklan dulot ng biglaang pagsipa ng Corona virus diseases 2019(COVID-19) cases.

Nagbabala pa ang mambabatas na maaaring maharap sa mabigat na parusa ang sinumang hoarders at profiteers sa ilalim ng Consumer Act or Republic Act (RA) No. 7394 at Price Act o Republic Act 7581.

“Under the Consumer Act, if found to have committed an unfair and unconscionable sales act or practice, an administrative sanction of up to P300,000.00 may be imposed and/or imprisonment of up to one (1) year. For profiteering, the Price Act provides for the imposition of fine of up to P2,000,000.00 and/or imprisonment of up to 15 years,” ayon kay Marcos.

Para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, iminungkahi naman ni Marcos na magpatupad muli ang gobyernong 60-day price freeze sa essential goods at medical supplies and equipment, kabilang na ang oxygen tanks simula sa Aug. 6, 2021.