-- Advertisements --
image 177
Senate President Juan Miguel Zubiri

Isinulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang paglikha ng “Select Oversight Committee on Intelligence and Confidential Funds.”

Batay sa inihaing Senate Resolution 302 ni Zubiri, magkakaroon ng isang lupon na magmo-monitor sa paggamit ng confidential fund ng mga ahensya ng pamahalaan.

Layunin nitong matiyak na hindi maaabuso ang nasa P9.2 billion na bahagi ng P5.268 trillion proposed 2023 national budget.

Paliwanag ng Senate leader, ang babalangkasing komite ay maaaring umaksyon sa mga panahong kakikitaan ng basehan para silipin ang paggastos sa intelligence fund, nang hindi naaapektuhan ang pangunahing layunin ng paggamit ng nasabing pondo.

Matatandaang sinubukang harangin ng minority bloc sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang paglalaan ng confidential fund sa Office of the Vice President (OVP) at iba pang ahensya, dahil sa posibilidad na ito ay maabuso ng ilang opisyal.