Hindi pa rin tumitigil ang ginagawang hiwalay na imbestigasyon ng Department of Transportation (DOTr) sa nangyaring aberya ng Air Traffic Management System (ATMS) ng Civil Aviation Authority of the Philippines noong unang araw ng 2023.
Sinabi ni DOTr Undersecretary for Aviation Roberto Lim, base sa kautusan ni DOTr Secretary Jaime Bautista na dapat ay maging transparent ang magiging resulta ng imbestigasyon.
Mayroon aniya silang binuong independent investigating body na nagsagawa ng imbestigasyon sa nasabing insidente.
Binubo ito ng ilang mga ahensiya gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Hindi na sumama ang CAAP sa imbestigasyon para mawala ang pagdududa sa nangyaring insidente.
Dagdag pa ni Lim na maaring abutin pa ng ilang linggo bago matapos ang imbestigasyon.










