-- Advertisements --
teves

Sinampahan na ng hiwalay na kaso ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Negros Oriental 3rd district representative Arnolfo Teves Jr. At dalawang anak nito.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa kamakailan lang na ikinasang raid ng mga tauhan ng nasabing hanay ng pulisya sa ilang properties ni Cong. Teves sa Bayawan City.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo, kaninang hapon ay pormal nang inihain ng mga otoridad sa Department of Justice (DOJ) ang hiwalay pa na kaso laban sa nasabing kongresista at mga anak nito na kinilalang sina Kurt Matthew at Axel Teves.

Mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law at Illegal Possession of Explosives ang isinampa laban sa mag-aama.

Samantala, pahinggil pa rin dito ay kinumpirma rin ni Col. Fajardo na kanselado na rin ang License to Own and Possess Firearm ng anak ni Cong. Teves na si Kurt Matthew dahil mayroon pa aniya itong bukod na kasong kinakaharap na nauugnay naman sa pananakit nito sa isang security guard.

Kung maaalala, kahapon pormal na sinampahan ng PNP-CIDG ang anim na tauhan ni Congressman Teves na naaresto ng mga otoridad ng mga reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at paglabag sa Republic Act 9516 o ang Law of Explosives laban kina Jose Pablo Gimarangan, Roland Aguisanda Pablio.

Habang infringement naman sa Republic Act 10591 ang isinampa laban sa kaniyang sekretaryang si Hannah Mae, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan a.k.a. Jojo Maturan, at Joseph Kyle Catan Maturan.