-- Advertisements --
supreme court

Hindi pinagbigyan ng Supreme Court (SC) ang hirit ng kampo ni Vice President Leni Robredo na agad nang resolbahin ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.

Partikular na ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang Urgent Motion to Immediately Resolve All Pending Incidents na inihain ng abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal noong Hunyo 11, 2019.

Ayon sa PET, ang mga isinumiteng figures ng kampo ni Robredo sa Korte Suprema na nagpapatunay umanong panalo talaga ang bise presidente sa halalan ay kaduda-duda.

Base sa claim ng kampo ni Robredo, lamang sila ng 15,000 na boto base sa takbo ng revision at recount.

Tila depektibo raw ang mga figures na isinumite ni Robredo dahil nagpapatuloy pa lamang ang proseso sa appreciation of ballots.

Habang ang final tally ng mga boto
pagkatapos ng recount at appreciation ay kailangan pang makumpleto bago i-release.

Ayon sa PET, premature ang hirit ng kampo ni Robredo dahil hindi pa nila nakukumpleto ang proceedings partikular sa judicial recount, revision at appreciation ng mga boto mula sa pilot provinces.

Pinagpapaliwanag din ng PET ang Commission on Elections (Comelec) sa kawalan ng ballot images mula sa limang clustered precincts sa Camarines Sur at Iloilo.

Kailangan din anilang maglabas ang poll body ng non-chronological sequencing o ang hindi pagkakasunud-sunod na ballot images at ang sinasabing sobrang ballot images sa isang clustered precinct sa Camarines Sur.