Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang hirit ni Rappler CEO Maria Ressa na makabiyahe sa United States (US) para bisitahin ang kanyang ina.
Sa resolusyon ng Special 12th Division na may petsang Disyembre 18, sinabi ng appelate court na bigo raw si Ressa na mapatunayang “necessary” at “urgent” at mayroong “exceptional circumstances” para payagan itong bumiyahe.
Una rito, hiniling ni Ressa sa CA na payagan itong bisitahin ang kanyang 76-anyos na inang na-diagnose ng breast cancer noong October.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na ibinasura ng CA ang kanyang hirit.
Ang CA ang humawak sa cyber libel conviction ni Ressa noong June na siyang naging rason din kung bakit siya hinarang na lumabas sa bansa.
Una nang hinarang ng korte si Ressa na pumunta sa Estado Unidos par sa speaking engagements at para tumanggap ng parangal.
Sa bagong resolusyon, ipinunto ng CA sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nagsasabing dapat maging maingat ang mga korte sa mga taong pinayagang maghain ng piyansa na lumabas sa bansa.
Ipinaliwanag din ng CA na ang mosyon ni Ressa ngayon ay katuloy lamang ng kanyang ikalawang mosyon na bumiyeha sa ibang bansa.
Ang naturang mosyon ay pormal na ring ibinasura ng korte, ibig sabihin ang pinakahuling mosyon ay katumbas din ng pagbabawal na magkaroon pa ng ikalawang motion for reconsideration.
Muli ring iginiit ng CA na ang medical abstract ay wala umanong indikasyon na kailangan na talagang agad bumiyahe si Ressa patungong US.
Ang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Geraldine Fiel-Macaraig na sinang-ayunan naman nina Associate Justices Danton Bueser at Carlito Calpatura.
Agad namang naghain ng motion for reconsideration si Ressa sa CA.