-- Advertisements --

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao governor Zaldy Ampatuan na convicted sa Maguindanao Massacre.

Inihirit kasi nitong mailipat ng piitan mula sa New Bilibid Prison (NBP) patungo sa isang medical facility para ma-protektahan daw ito laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa siyam na pahinang desisyon, binigyang diin ng CA Special Division of Five na ang National Capital Region (NCR) ay nasa ilalim na ng Alert Level 1 na pinakamababa sa alert level system at ang NBP ay matatagpuan sa Muntinlupa City na nasa Metro Manila.

Nakasaad din sa kanilang desisyon na nasa 27,000 sa 50,000 persons deprived of liberty (PDLs) ay fully vaccinated na laban sa COVID-19 at nagsimula na rin silang tumanggap ng booster shots.

Ang desisyon ng CA ay kasunod na rin ng petition for certiorari ni Ampatuan na kumukuwestiyon sa July 2020 order ni Regional Trial Court (RTC), Quezon City, Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes na nagbasura sa urgent motion ni Ampatuan na mailipat mula sa NBP dahil sa pandemic.

Ito ay dahil umano sa kakulangan ng merito.

Ayon sa CA, hindi raw humingi ng reconsideration si Ampatuan pero inakusahan nito ang public respondent na nakagawa ng grave abuse of discretion sa pagbasura sa kanyang kahilingang mailipat sa isang ospital sa kabila umano ng clear and present danger sa patuloy nitong pananatili sa NBP.

Nakasaad sa desisyong pirmado ni Associate Justice Angelene Mary Quimpo-Sale na hindi raw naipaliwanag sa petisyon kung paano mai-a-apply ang clear and present danger rule sa petitioner, kung ang isyu na tinutukoy ay tungkol sa freedom of expression o relihiyon.

Una na ring sinabi ni Solis-Reyes na nakapasok ang COVID-19 sa NBP pero mayroon namang infirmary ang pasilidad na magbibigay kay Ampatuan ng medical treatment.

Dagdag niya, nag-ugat umano ang mosyon ni Ampatuan dahil sa pagkakaroon nito ng acute infarct (stroke) sa tatlong magkakaibang okasyon sa loob ng dalawang buwan bago ito mailipat sa NBP at ang pagkakaroon nito ng hypertension, diabetes mellitus at chronic atrial fibrillation.