-- Advertisements --

Pormal nang tinanggihan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III ang hirit ng PNP na gawing requirement ang police clearance ng mga taong may transaksiyon sa kagawaran.

Sa isang liham na ipinaabot kay PNP Chief Debold Sinas, ipinaliwanag ni Bello na lalo lamang magdudulot ng kalbaryo ang pagkuha ng police clearance ng publiko sa mga transaksiyon sa kanilang tanggapan.

Batid naman daw ng DOLE ang magandang intensiyon dito ng PNP pero nanindigan daw ang mga stakeholders na ayaw nila ang panukala ng PNP.

Batay kasi sa resulta ng rapid survey ng DOLE, hindi pinapaboran ng nakakarami ang pagkuha ng police clearance bilang requirement sa mga transaksiyon sa Labor department.

Posible pa raw itong magamit o maging form ng red tape sa nakakarami at dagdag pasanin sa financial problem ng mga Pinoy.

Hindi rin aniya ito naka-align o tumugma sa polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng RA 11032 o ang ease of doing business at ng Efficient Government Service Delivery Act of 2010 maging ang Executive Order 129 na lumilikha sa Office of the Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes.

Wala rin aniya itong ligal na basehan at maari pa raw maging paglabag sa 1987 Philippine Constitution at mg Labor Code of the Philippines.