-- Advertisements --

Inihayag ng kagawaran ng Edukasyon na iniimbestigahan nila ang mga hinihinalang “food-borne illnesses” na umano’y dulot ng kontaminadong gatas na ipinamahagi nito sa mga paaralan sa Negros Oriental.

Sinabi ng departamento na nakipag-ugnayan na ito sa local government unit ng Sta. Catalina, Negros Oriental, pati na rin ang National Dairy Authority, at mga kinauukulang ahensya para sa imbestigasyon at pagsusuri ng mga sample ng gatas.

Nasa 100 estudyante sa Sta. Catalina, Negros Oriental ang na-ospital matapos uminom ng sariwang gatas na nirarasyon mula sa DepEd.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng district supervisor ng munisipyo na nagsuka ang mga biktima at ang ilan ay isinugod sa ospital ilang oras matapos uminom ng gatas mula sa Negros Oriental School Division Office.

Walang naiulat na namatay mula sa insidente.

Sinabi ng DepEd na ang School-Based Feeding Program (SBFP), ay isa sa mga priority initiatives nito at naglalayong tugunan ang gutom sa mga mag-aaral at hikayatin silang mag-enroll.

Layunin din ng programa na makapag-ambag sa pagpapabuti ng katayuan sa nutrisyon ng mga mag-aaral, alinsunod sa Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.