ILOILO CITY- Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi “state-sponsored terrorism” ang pagkakadawit ng dalawang pulis sa twin shooting incident sa Lungsod ng Iloilo.

Ito’y matapos lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na dalawa sa mga suspek na pumatay sa mga nagngangalang Allain Muller sa Barangay Cuartero Jaro, Iloilo City, at Delfin Britanico na pinaslang sa Barangay Nabitasan, Iloilo City noong Enero sa kalagitnaan ng Dinagyang Festival, ay sina Police Corporal Jerry Villanueva at Police Corporal Joseph Andrew Joven.

Si Britanico ay anak ni dating BANAT Partylist Rep. at former Iloilo Assemblyman Salvador Britanico.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Regional Office 6 Director PB/Gen. Rene Pamuspusan, sinabi nito na hindi pinapayagan ng pamunuan ang nasabing hakbang at walang katotohanan ang alegasyon na pawang pulis ang nasa likod ng pamamaslang lalo na ang kung may kaugnayan sa droga ang biktima.

Dagdag pa ni Pamuspusan, hindi nagpapabaya ang kapulisan dahil agad na isinailalim sa “restricted custody” si Villanueva samantalang sinampahan na rin ng dalawang kasong administratibo si Joven matapos hindi ito sumailalim sa drug test ng Iloilo City Police Office noong Marso.

Napag-alaman na nasampahan na ng kasong murder at theft ang dalawang pulis at dalawang iba pang suspek sa nasabing twin shooting.