Tahasang sinagot ng tagapagsalita ni Vice Pres. Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez ang mga patutsada nina Sen. Bong Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kasabay ng pagtanggap ng pangalawang pangulo sa co-chair post ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Gutierrez, tila bumalik sa mga kaalyado ng pangulo ang nauna nilang pahayag na pinupulitika ni Robredo ang usapin ng iligal na droga.
Hindi ikinatuwa ng tagapagsalita ng bise presidente ang tirada ng dalawang senador na tila umaatake laban kay Robredo.
“Hinamon nila si VP Leni na tumulong sa kampanya laban sa iligal na droga. Tinanggap ni VP ng buong loob ang hamon. Ngayon, ‘di pa man nakapagsisimula ng trabaho, tumitira na sila? Sino ngayon ang namumulitika?,” ani Gutierrez.
Nitong hapon nang maliitin ni Go ang hindi pa man nagsisimula sa kanyang tungkulin na pangalawang pangulo.
“Kung walang byg yung mga assistant mo, bulong mo na lang po samin, kami na lang po papatay sa mga drug lord. She wants to save innocent lives, but ngayon, ako naman po ang magbibilang ng ilang inosenteng Pilipino ang mabibiktima ng droga,” ayon kay Go.
” I’m sure kung hindi mo idaan sa takot itong drug lord na ito, dadami ang drug lord, dadami ang biktimang Pilipino. Sa tingin ko gusto niya (Robredo) atang ibaby ang drug lords, gusto niya ata paramihin? Pag hindi mo tinakot, dadami yan,” dagdag pa nito.
Iba naman ang paalala ni Dela Rosa: “This is war. Giyera ito. Hindi ka pwedeng pa-cute-cute dito. Hindi ito beauty contest .”
Ayon kay Gutierrez, nawa’y hayaan ng mga kritiko ni Robredo na simulan at gawin nito ang kanyang mandato ngayon bilang opisyal na mangangasiwa kontra iligal na droga.
“Alam ni VP Leni ang bigat ng trabahong tinanggap niya. Handa siya para dito. Sa dami ng kuda nila dito, ang lumalabas, sila ang hindi handa para sa kaniya.”