Hindi inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) ang maagang recruitment ng mga participants para sa isasagawang clinical trial ng COVID-19 vaccines dito sa bansa.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, kailangan i-konsidera ang disenyo ng pag-aaral para makapili ng mga karapat-dapat na participants ng clinical trials.
“Yung magpipili ng subjects right now baka hindi necessary kasi depende yan sa design ng study. Usually studies are designed in such that there’s a random element to the selection of subjects,” ani Domingo sa isang press briefing.
Paliwanag ng opisyal, kadalasang sumusunod sa “blinding procedure” ang pagpili sa participants ng isang clinical trial.
“The participants are selected in some random way, and then they will ask for permission. Kailangan may consent but there’s some kind of randomness.”
Nilinaw ni Domingo tuloy-tuloy lang ang recruitment sa mga kasali ng clinical trials dahil hindi naman natatapos sa loob ng isang araw ang eksperimento.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na pinag-aaralan na nilang i-akyat sa 4,000 ang bilang ng target participants para sa Solidarity Trial ng World Health Organization dito sa bansa.