Inihayag ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na ang hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte sa deliberasyon ng badyet upang ipagtanggol ang panukalang pondo nito ay maituturing na betrayal of public trust.
Pero, naniniwala si Gutierrez na hindi ito sapat na basehan para ma-impeach si Duterte.
“‘Yung konsepto po natin sa pagboto, dito po nanggagaling ‘yung concept of public trust. Kapag tayo po ay bumoboto, we, as the public repose our trust and confidence that the official will uphold his or her constitutionally mandated duties,” paliwanag ni Gutierrez.
Suportado ni Gutierrez ang naging manipestasyon ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na malinaw na betrayal of public trust ang pagtanggi ni Duterte na ipagtanggol ang badyet ng kanyang tanggapan.
Nagpahayag naman si Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ng pagkadismaya sa hindi pagdalo ni Duterte sa deliberasyon ng badyet.
“Personally, I’m disappointed. I would have expected more. This is such an important part of the budgetary process,” ani Suarez.
Ipinunto ni Suarez na mayroong mga kalihim ng mga departamento na naghihintay ng mahigit 10 oras maipagtanggol lamang ang kanilang badyet.
Ayon naman kay Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun hindi pinag-uusapan ang impeachment laban kay Duterte.
Ayon kay Khonghun nakatuon ang atensyon ng Kamara sa pagpasa ng panukalang badyet para sa susunod na taon.