Tahasang inilarawan ni Representative Leila de Lima bilang isang pambabastos sa konstitusyon at posibleng betrayal of public trust ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng kinakaharap nitong impeachment process.
Ayon kay De Lima, nakakadismaya ang lantarang pagbalewala ng respondent sa komite.
Giit ng mambabatas, kung hindi man makadadalo ang Bise Presidente, inaasahan na magpapadala man lang sana ang kampo nito ng pormal na manipestasyon upang magbigay-galang sa proseso.
Nilinaw din ni De Lima ang kalikasan ng kasalukuyang hakbang ng Kamara.
Ayon sa kanya, mali na isipin na isa na itong full-blown trial on the merits dahil ito ay kahalintulad pa lamang ng isang preliminary investigation.
Binigyang-diin niya na sa yugtong ito, nananatili ang right to counsel, gayundin ang karapatang humarap at magbigay ng mga clarificatory questions ang respondent.
Upang patibayan ang kanyang punto, sinipi ni De Lima ang naging pananaw ni dating Supreme Court Justice Noel Tijam hinggil sa obligasyon ng mga opisyal sa ganitong uri ng imbestigasyon.
Matatandaang inaasahan sana ang pagharap ni Duterte upang sagutin ang mga batayan ng reklamo sa antas ng komite, subalit nagdulot ng tensyon sa pagdinig ang hindi nito pag-apela.
Ayon kay De Lima, ang ganitong mindset at saloobin ay lalo lamang nagpapakita ng kawalan ng respeto sa pormal na proseso ng impeachment.
















