-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga residente sa National Capital Region (NCR) na huwag maging kampante kahit may ulat na tungkol sa mas mabagal na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Nilinaw ni DOH-NCR assistant director Dr. Paz Corrales na kahit may datos na kaugnay ng “curve flattening” ay hindi nito garantiya na wala nang magkakasakit ng COVID-19.

Ang paglawak sa lima hanggang pitong araw na case doubling time ng bansa ay senyales lang daw ng mas mabagal na infection.

Nitong Miyerkules nang sabihin ng epidemiologist na si Dr. John Wong na nasa 4.6-days ang pagitan ng mga araw bago muling dumoble ang COVID-19 cases sa Metro Manila.

“By April 1, the case doubling time took three days, and it has (been) flattening at a more dramatic rate. In NCR where 70% of the COVID-19 cases are, the flattening is more evident,” ani Dr. Wong.

DOH Wong data on national curve

Sinang-ayunan ni Dr. Corrales ang pahayag ni Sec. Francisco Duque na nagsabing ang mas mabagal na pagkalat ng sakit ay oportunidad para mapaigting ang health care system ng bansa.

Itinuturing na “epicenter” ng COVID-19 cases sa bansa ang NCR dahil dito naitala ang pinaka-maraming kumpirmadong kaso mula nang pumutok ang outbreak ng sakit.