Umapela si Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa August 24 dahil marami pa ring mga eskwelahan, guro at estudyante ang hindi pa handa dahil sa dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa kabila daw ng pahayag ng DepEd na handa na ang buong education sector sa pagbabalik ng klase, inamin ni VP Leni na maraming nakausap na guro ang kanyang tanggapan na hindi pa handa sa pagbabago ng balik-eswela ngayong taon.
“Actually iyong mga teachers na kausap natin, iyon din iyong sabi, “Bakit ipipilit na August 24 kung hindi pa handa?” Pero ini-insist kasi ng DepEd na handa na sila. Pero iyong nakausap namin na teachers, mas gusto na nila na mas late iyong pagbukas para mas handa,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
“Kasi halimbawa— Siguro iyong ibang mga teachers, handa, pero may mga lugar talagang hirap, kailangang ayusin iyong instructional materials, kailangan mag-ad—parang mag-aadjust ka na grabe. So baka iyon iyong mga options. Sa mga lugar na puwedeng face-to-face, baka naman puwede na iyong face-to-face.”
Ikinalungkot ng bise presidente na maraming private schools ang napilitang magsara dahil bumagsak din ang enrollment ng mga estudyante.
“Kahit nga sa public schools— Kasi kumukuha tayo ng data kasi gusto nga nating tingnan kung aling mga lugar iyong mas nangangailangan na puwede kaming pumasok. Kakaunti pa lang, parang half pa lang yata iyong nag-eenroll, eh June 30 na yata iyong last day of enrollment. So baka isa din iyong tingnan nila, i-reconsider iyong August 24 na opening.”
Nababahala si Robredo na baka bumaba ang kalidad ng pagtuturo kapag ipinilit ang aniya’y hindi pa talaga handan na sektor ng edukasyon.
“Madali naman (aprubahan ng Kongreso), kasi panahon ng krisis, puwede namang ayusin. Pero iyong DepEd iyong mas nakakaalam niyo, pero sana kung anuman iyong magiging desisyon, iyong pinaka-consideration iyong mga learners natin.”
Kasabay ng pagbubukas ng klase sa August 24, ipapatupad ng DepEd ang “blended learning” sa mga paaralan.