-- Advertisements --

Ikokonsidera ng colorum ang mga Public Utility Jeepneys (PUJ) na hindi nag-consolidate sa ilalim ng PUV Modernization Program simula sa Pebrero 1.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III, sa ilalim ng mga regulasyon mawawalan na ng bisa ang mga prangkisa ng unconsolidated jeepneys at huhulihin na ang mga iniuri ng colorum.

Sinabi din ni Guadiz na sa extension period o ngayong buwan ng Enero, papadalhan ng show cause orders sa jeepney operators ng mga hindi nag-consolidate.

Sa gitna naman ng panawagan ng ilang mga mambabatas sa Office of the President na suspendihin ang public utility vehicle modernization program, sinabi ni DOTR Office of Transportation Cooperative Chairman Andy Ortega na kanilang iginagalang ang apela o posisyon ng mga kongresista subalit nanindigan ito na ipagpapatuloy ang programa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inihayag din ng opisyal na maaaring sumama ang mga unconsolidated single jeepney operators at drivers sa mga kooperatiba o kaya naman ay humingi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development, TESDA o Labor Department.

Kinontra naman ng DOTr official ang claims na maaaring humantong sa mas mataas na pasahe na P40 hanggang P50 ang PUVMP. Paliwanag ng opisyal na napanatili ang P2 na agwat sa pasahe sa modern at traditional jeep sa nakalipas na 6 na taon.