BOMBO DAGUPAN – Welcome sa grupong Alliance of Concerned Teachers na hindi na obligadong magsuot ng school uniform ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng school year 2022-2023 sa August 22.
Ayon kay France Castro, spokesperson ng ACT, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi na bago ang nilabas na kautusan ni vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio dahil matagal na itong DEPED order noon pang 2010.
Sa katunayan ay ipinatututupad na ito sa lahat ng mga paaralan lalo na sa mga malalayo at liblib na lugar.
Sinabi ni Castro na malaking tulong umano ito sa mga magulang na makaiwas sa karagdagang gastusin at mas makakatipid pero
dapat may proper identification card ang bata.
Giit niya na dumaranas ngayon ng krisis ang bansa kaya marapat lang na hayaan lang ang mga bata na pumasok na hindi nakauniporme dahil ang mahalaga ngayon ay makapasok sila sa eskuwelahan at makapag aral.
Una rito, sinabi ng bise presidente na makakahikayat din aniya ito ng mga estudyante na lalong magsipag sa pag-aaral na hindi iniisip ang mga gastos tulad ng pagbili ng mga school uniform.