-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang makakalusot na matataas na opisyal sa priority vaccination kapag mayroon ng bakuna ang bansa sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga usapin tungkol sa ilang bakuna na epektibo umano laban sa coronavirus disease.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mahigpit nilang susundin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinili na ang nais niyang maunang matuturukan ng COVID-19 vaccine.

“Nagsabi na ang ating pangulo kung sino yung dapat nating priority. Mayroon na rin tayong listahan which we made public and we are very transparent on that.”

“So ‘yan ay susundin natin, we will be very transparent with this list kung sino ang dapat mabigyan.”

Magugunitang tinukoy ni Duterte ang mga healthcare workers, at iba pang frontliners tulad ng mga sundalo at pulis na dapat maging priority ng COVID-19 vaccination. Pati na ang mga mahihirap at vulnerable sector.

Nilinaw ni Usec. Vergeire na maaari lang masali sa priority ng pagbabakuna ang government officials kung pasok sila sa criteria tulad ng mga matatanda at vulnerable.

“Halimbawa elderly na kami, o hindi kaya kasali kami sa listahan, mabibigyan tayo (officials),” pahayag ng DOH spokesperson.

Bukod sa publiko, mabibigyan din daw ng access sa bakuna ang private sector basta’t rehistrado sa ating Food and Drug Administration ang COVID-19 vaccine.