-- Advertisements --

MANILA – Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagsasailalim sa swab test ng mga taong magpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ang nilinaw ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang nagpo-positibo sa coronavirus matapos maturukan ng unang dose.

“It is not recommended all over the world. Wala nama ng bansa na nagpapatupad nito, (also) reputable instutions of health, and the WHO does not recommend this,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“This will just further delay the vaccination of individuals.”

Paliwanag ng opisyal, dumadaan naman sa “symptom and exposure screening” ang indibidwal bago bakunahan. Hindi raw nila pinapayagang tumanggap ng bakuna, kapag nakitang may sintomas ito ng sakit.

Gayunpaman, aminado ang Health spokesperson na posibleng may iba na walang nararamdaman na sintomas o asymptomatic.

“Maaaring nag-iincubate na (ng sintomas) kaya nabakunahan tsaka nagkakaroon ng adverse effect”

Nilinaw ni Usec. Vergeire na sa ngayon wala pang ebidensya na nagdudulot ng pagkamatay o pagkakasakit ang COVID-19 vaccines sa mga nabakunahan sa Pilipinas.

Samantala, tiniyak din ng opisyal na nasusunod ng tama ang protocols sa paggamit ng medical supplies na ipinangsusuri sa mga nagpapabakuna tulad ng pang-monitor sa blood pressure.

Ayon sa DOH spokesperson, iba’t-ibang team ang naka-deploy sa kada vaccination sites kaya siguradong hindi nagagamit ang medical equipment na para sa screening, actual vaccination, at monitoring ng adverse events.

“Yung pang-BP na ating ginagamit, dahil importante sa assessment, ay nililinas naman at sa tingin natin hindi magiging source of infection… naglagay din tayo ng alcohol sa vaccination sites para siguradong malins ang kanilang kamay.”