-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inireklamo ng ilang naka-quarantine sa mega quarantine sa Ilagan Sports Complex ang hindi kaaya-ayang lagay ng pasilidad.

Batay sa ipinadalang litrato ng isang concerned citizen sa Bombo Radyo Cauayan, makikita ang hindi malinis na palikuran ng nasabing quarantine facility.

Bukod dito ay hindi rin maayos ang mga tent, walang gamit at wala ring suplay ng tubig.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo kay City Inter-Agency Task Force Focal Person Ricky Laggui, sinabi niya na may schedule ang paglilinis ng mga kawani ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga quarantine facility.

Aniya, hindi pinababayaan ng pamahalaang lungsod ng Ilagan ang kalagayan at sitwasyon ng mga sumasailalim sa quarantine.

Katunayan ay patuloy ang disinfection sa naturang lugar.

Gayunman ay sinisikap na ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng solusyon ang usapin na ito upang maging maayos ang pananatili ng mga residente sa mga quarantine facility.