-- Advertisements --

Kinumpirma ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi sakop ng pagbubuwis ang lumalagong industriya ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, hindi maaaring patawan ng buwis ang mga POGO base sa pinanggagalingan ng kanilang kita.

Nakasaad daw ito sa inamiyendahang National Internal Revenue Code noong 1997 sa ilalim ng “source of income principle.”

“Ultimately, an offshore-based operator’s income is the placement of bets on its online betting facility – which are derived from sources without (outside) the Philippines,” ani Calida.

Una ng sinabi ni House Committee on Ways and Means chairperson Joey Salceda, nasa 100 POGO sa Pilipinas ang iligal na nago-operate.

Kabilang umano dito ang 88-porsyentong pinapatakbo ng mga Chinese.

Batay sa datos ng Department of Finance, umaabot ng P200-bilyon ang kita ng mga POGO.

Sa kanyang opinyon para sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi ni Calida na ang batayan lang ng taxability ay yung aktibidad na pinanggalingan ng kita ng isang negosyo.

Nakahain ngayon sa Kamara ang panukalang batas na target pagbayarin ng buwis ang POGO industry.