Namataan ng Armed Forces of the Philippines ang presensya ng isang hindi awtorisadong research vessel ng China na “SHEN KUO” sa bisinidad Viga, Catanduanes.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang naturang research vessel ay unang namataan noong Abril 25, 2024 sa layong 60.9 nautical miles sa silangang bahagi ng Rapu-Rapu Island, Albay.
Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon, sa kasagsagan ng kanilang isinagawang maritime patrol noong Abril 27, 2024 ay naobserbahan ang naturang research vessel na naka-daong sa naturang lugar at walang tauhang naka-istasyon sa main deck nito.
Maraming beses sinubukang makipag-ugnayan ng tropa sa naturang sasakyang pandagat sa pamamagitan ng pagsasagawa ng regular radio channels ngunit ang lahat ng ito ay pawang hindi naging matagumpay matapos na hindi makatanggap ng tugon mula sa kabilang panig.
Gayunpaman, tiniyak ng AFP na nananatili itong vigilante sa lahat ng oras at patuloy din ang ginagawa nitong monitoring sa nasabing research vessel ng China sa loob ng maritime domain ng Pilipinas.
Sa ngayon ay inatasan na ng Hukbong Sandatahan ang mga kalapit na barko sa naturang lugar na mas paigtingin pa ang surveillance at reporting nito hinggil sa naturang sasakyang pandagat.
Habang kasalukuyan na rin nakikipag-ugnayan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa kaukulang pagtugon at imbestigasyon sa hindi awtorisadong presensya ng Chinese research vessel sa lugar, gayundin sa mga anumang posibleng illegal na aktibidad nito sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas bilang bahagi na rin ng pagtiyak sa seguridad at proteksyon ng teritoryo ng ating bansa.