LEGAZPI CITY – Naabot ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol ang target na 12,000 workers sa buong rehiyon na ma-regular sa mga trabaho noong taong 2019.
Ayon kay DOLE Bicol information officer Joanna Vi Gasga sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang naturang tala ay mula Enero hanggang Disyembre nang nakaraang taon.
Nabatid na 50 percent sa mga ito ang naregular matapos ang inspection ng ahensya sa mga pribadong kumpanya o resulta ng compliance order at 49 percent o kabuuang 5,904 na mga obrero ang naregular dahil sa voluntary commitment ng employer.
Dagdag pa ng opisyal, nasa 491 na mga establishimento sa Bicol ang nag-regularize ng mga empleyado kung saan aabot sa 300 na kumpanya ang nagregular kasunod ng pagbisita ng mga tauhan ng DOLE habang 197 private institutions ang nagkusa na bago pa man ibaba ng compliance order.
Giit ni Gasga na hindi lamang pag-abot sa target ang prayoridad ng ahensya kundi ang pangangalaga sa mga empleyado kontra sa iregularidad at patakaran ng isang kumpanya.