-- Advertisements --

Nasa 10 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P68-milyon ang nasabat ng mga tauhan ng Batangas Provincial Police Office.

Ito’y kasunod ng isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng PNP Batangas sa isang poultry farm sa Brgy. San Francisco, Lipa City, Batangas bandang ala-1:00 hanggang alas-2:30 ng Lunes ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Batangas Police Provincial Director, P/Col. Edwin Quilates, ginawa nila ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ni Tanauan City Regional Trial Court Judge Rica Mariño Ricablanca.

Matagal na umanong isinailalim sa surveillance ang suspek na si Eugene Fernandez, caretaker ng nasabing poultry farm kung saan nakuha rito ang 10 malalaking plastic ng shabu na nakasilid sa pakete ng tsaa.

Nagmula aniya sa mga lungsod ng Makati at Maynila ang mga naturang shabu na kapareho din ng mga nasabat sa mga operasyon din ng mga otoridad sa bahagi ng Alabang, Muntinlupa.

Maliban sa shabu, nasabat din sa nasabing lugar ang isang .45-caliber na baril; isang magazine ng baril na may lamang walong bala; isang pinatuyong dahon ng marijuana; dalawang marijuana plant na nasa paso; at isang digital na timbangan.

“This is a way of search warrant. So matagal na rin namin sinusubaybayan ang taong ito kasi ito kapag tumaya sa sabong is P500,000, P300,000 wala naman source of legitimate large amount of money. Tagabantay lang sya ng isang farm ng sabungin,” ani Quilates.

“Bagsakan pala itong bodega ng mga drugs from Manila, from Makati. Nireredistribute din sa Metro Manila.”