“Ang Schools Division Office Daguapn City ay ang isa sa mga pinakanaapektuhan noong tumama ang magnitude 7.3 na lindol sa Northern Luzon.”
Ito ang binigyang-diin ni Aguedo Fernandez, Dagupan City Schools Division Superintendent, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya hinggil sa hinihingi nilang supplementary budget na makakatulong sana sa kanilang hanay partikular na sa pagsasaayos ng mga naapektuhang mga gusali sa mga paaralan sa lungsod na kinabibilangan ng Dagupan City National High School, Pugaro Integrated School, Federico N. Ceralde Integrated School, General Gregorio Del Pilar Elementary School, Bonuan Boquig National High School, Bonuan Boquig Elementary School, Salapingao National High School, at Judge Jose De Venecia Sr. Technical Vocational Secondary School.
Aniya na base sa kanilang isinumiteng report as of September 30, ay mayroong walong mga paaralan ang lubhang naapektuhan sa pagyanig ng nasabing lindol noong nakaraang Hulyo. Dagdag pa niya na ang kabuuang estimated na amount ng damage ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa mahigit P46.5 milyon.
Base naman sa inisyal na feedback na kanilang natanggap mula sa Central Office, ay naglaan na sila ng P5-milyong pondo para sa pagsasaayos at retrofitting ng mga building ng Dagupan City National High School dahil ito lamang ang unang nai-deklara na mayroong pagkasira sa mga gusali nito isang linggo makalipas ag naturang lindol.
Bagamat ito lamang ang nakikita nilang bibigyan ng pondo sa ngayon, lumalabas naman sa kanilang pagsusuri sa mga nagdaang araw na mayroon pang ibang mga gusali sa iba’t iba pang mga paaralan ang nagkakaroon na rin ng mga pagbiyak at pagkasira, kaya’t nagsumite naman ulit sila ng panibagong report tungkol dito.
Kaugnay nito ay nagkaisa naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at buiding officials ng Dagupan City sa pagtugon naman sa isyung ito, partikular na sa mga hakbang na dapat gawin sa paggamit ng mga naapektuhang mga gusali ng mga nabanggit na paaralan.