-- Advertisements --

Mahigit 30 kongresista ang lumagda sa isang resolusyon na naglalayong paimbestigahan ang unreleased Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) funds.

Binigyan diin ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin sa inihain niyang House Resolution No. 1558 ang kahalagahan ng accountability lalo pa at ang delays sa paglalabas ng pondo ay nakakaapekto sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa negatibong epekto ng COVID-19 pandemic.

Base sa report ng Office of the President noong Nobyembre 3, 2020, sa P140 billion na pondong inilaan sa Bayanihan 2, tanging P76.2 billion lamang dito ang nailabas na.

Bukod dito, hindi pa raw nakakarating sa mga benepisyaryo ang nasa P39.4 billion na pondo na inilaan sa government financial institutions o GFIs para makatulong sa mga micro-small-medium enterprises, na naapektuhan ng pandemya.

Iginiit ni Garin, miyembro ng bicameral conference committee na tumalakay sa Bayanihan 2 law, na ang mga programa at proyektong nakapaloob sa Republic Act 11494 ay mahalaga sa recovery path ng bansa.

“The pandemic is now only a month shy from reaching its first year and the country still reeling from the impact of an economic nosedive. If we don’t act on this, the economic revival we all hope for will not materialize,” dagdag pa ni Garin.