Pumalo na sa higit P200 million ang iniwang pinsala ng bagyong Vinta sa imprastraktura at agrikultura, partikular sa mga lugar na hinagupit nito sa Mindanao.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) spokesperson Mina Marasigan, nasa mahigit P52 million ang naitalang pinsala sa agrikultura habang higit sa P157 million naman sa imprastraktura.

Nasa 2,333 mga kabahayan naman ang nasira dahil sa bagyong Vinta, at sa nasabing bilang 1,507 dito ay totally damaged habang 826 ang partially damaged.

Sinabi ni Marasigan na hindi pa lahat ng mga nagsilikas na residente ang nakauwi sa kani-kanilang bahay.

Sa katunayan nasa 19,485 pang pamilya ang nananatili sa ibat ibang evacuation center habang ang nasa 12,189 pamilya ay pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Ongoing din sa ngayon ang restoration ng power supply sa Balabac, Palawan at sa probinsiya ng Zamboanga del Sur.

Ito ay ang mga lugar ng Margos sa Tubig, kabasalan, Talusan, Titay, Mabuhay at Tungawan.

Habang sa Zamboanga del Norte, ito ay ang Salug, Rizal, La Libertad, Sergio Osmenia, Sindangan, Labason at Dapitan.

Pahayag ni Marasigan na nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang retrieval operation lalo na sa mga na nagkaroon ng landslide.

Nasa P10 million na rin ang tulong na ibinigay ng DSWD at kahapon panibagong tulong ang dumating sa Lagindingan airport sa Cagayan de Oro City.

Tiniyak ni Marasigan na patuloy ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga nabiktima ng Bagyong Vinta.

Sa kabilang dako, sa datos ng NDRRMC nasa 164 indibidwal ang nasawi dahil sa bagyo at nasa 176 ang nawawala o missing.