NAGA CITY- Mahigit P200,000 ang nasabat na iligal na droga mula sa tatlong suspek sa isinagawang buy bust operation sa Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Arnolfo Diacos, 44-anyos; Alvin Menchero, 38-anyos; at Joseph Flores, 34-anyos.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na una ng nakabili kay Menchero ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ng isang pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng P15,000.00 na halaga.
Ayon dito, nakumpiska sa naturang suspek ang dalawang pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu na nasa 10 grams ang timbang na nagkakahalaga naman ng P204,000.00.
Habang nakuha naman kay Diacos ang nasa humigit kumulang na 0.44 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P2,992.00. Ngunit sa isinagawa pang preventive search, narekober pa rito ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu na nasa P9,248.00 ang halaga.
Samantala, sa pagkakahuli naman kay Flores ay nakumpiska rito ang nasa 5.45 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P37,060.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, umabot sa 17.57 grams ang kabuuang timbang ang nakumpiska sa mga suspek na nagkakahalaga ng P253,300.00.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.