VIGAN CITY – Palaisipan pa sa ngayon sa mga otoridad kung sino ang responsable sa pagtatanim ng marijuana sa malawak na lupain sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Caoayan, Sugpon, Ilocos Sur.
Sa nasabing lugar, nakakumpiska ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Regional Drug Enforcement Unit ng Region 1 at ng Sugpon municipal police station ng 10,400 na fully-grown marijuana na nagkakahalaga ng higit na P2-milyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Lt. Jerry Arzabal, hepe ng Sugpon municipal police station, sinabi nito na nahirapan silang makarating sa nasabing lugar dahil maputik at madulas ang kanilang dinaanan dahil sa ulang nararanasan sa lalawigan dahil sa habagat.
Nang makarating umano ang mga ito sa lugar, kaagad nilang binunot ang mga tanim na marijuana at bago umalis ay sinunog muna nila ang mga ito.
Sa ngayon, wala umanong maituturong person of interest ang mga otoridad hinggil sa kung sino ang nagtanim ng mga nasabing marijuana dahil tikom naman ang bibig ng mga residente sa lugar na posibleng dahil sa takot nila o di kaya naman ay hindi talaga nila alam kung sino ang nasa likuran ng nasabing marijuana plantation sa kanilang lugar.