-- Advertisements --
BoC

Papalo sa P10.629 billion ang halaga ng smuggled goods ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) noong nakaraang taon.

Nakapagtala ang BoC ng total na 997 seizures mula Enero hanggang Disyembre, 2020 bilang resulta ng mga isinagawa at pinaigting na intelligence at enforcement operations maging ang pagpapalakas sa examination at inspection sa iba’t ibang ports ng bansa.

Nanguna naman sa mga produktong nasabat ang imported cigarettes at tobacco products na mayroong 204 seizure cases at nagkakahalaga ng P5.774 billion.

Ang P1.855 billion na halaga naman ng illegal drugs na nasabat ng BoC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kabilang pa sa mga nasabat ang counterfeit goods na nagkakahalaga ng P1.056 billion, P32.585 million na halaga ng iba’t ibang klase ng undeclared foreign currencies at smuggled personal protective equipment, medical supplies at cosmetics na nagkakahalaga ng P196.580 million.

Kasama pa rito ang general merchandise na pumalo sa P406.377 million, vehicles at automobile accessories na nagkakahalaga ng P356.532 million at agricultural products na nagkakahalaga ng P284.622 million.

Ang naturang mga kontrabando ay wala umanong kaukulang permit at clearance.

Ang iba pang nasabat ay ang P236 million halaga ng food stuff, P168.285 million halaga ng mga damit, P95.174 million worth ng electronic products at P66.433 million na halaga ng wildlife at natural resources; steel products, P11.820 million; alcoholic beverages, P2.434 million, mga alahas, P7.280 million; chemicals, P5 million; mga armasat iba pang produkto, P73.949 million.

Maliban sa consistent anti-smuggling operations, nakapaghain na rin ang BoC ng kasong kriminal laban sa mga manlolokong importers at customs brokers. 

Mula Enero hanggang Disyembre noong 2020, umabot na sa 126 cases ang naisampa na kinabibilangan ng 74 criminal cases na naihain sa Department of Justice (DoJ) at 52 administrative cases sa Professional Regulation Commission (PRC).

Noong nakaraang taon din, na-revoke naman ang accreditation ng 575 importers at 148 customs brokers dahil sa paglabag sa Customs at iba pang kahalintulad na mga batas.

Natapos na rin ng BoC ang inspection at imbestigasyon sa 152 Customs Bonded Warehouses at 255 na miyembro ng customs common bonded warehouses (CCBWs). 

Nagresulta ito ng pagpapasara sa 20 customs-bonded warehouses (CBWs) at 40 members ng CCBWs dahil sa iba’t ibang paglabag.