NAGA CITY – Aabot sa mahigit P1 million halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa dalawang babae sa isinagawang buy bust operation sa Naga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronna Balcueva at Jacqueline Geroy, kapwa 29-anyos at mga residente ng Brgy. Calauag sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, nabatid na kaninang alas-5:45 lamang ng umaga nadakip ng mga operatiba ang mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakabili ang poseur buyer kasama ang confidential informant ng isang pakete ng pinaghihinalaang “shabu” na nagkakahalaga ng P75,000.
Maliban pa dito, sa isinagawa naman na body search kina Balcueva at Geroy, narekober pa sa mga ito ang isang pakete ng pinaghihinalaang “shabu” na may bigat na humigit kumulang 125 gramo na nagkakahalaga naman ng P850,000.
Ayon dito, sa kabuuan, aabot sa 150 gramo ng nasabing iligal na droga ang nakumpiska mula sa dalawang suspek na may tinatayang halaga na humigit kumulang P1,020,000.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.