-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mahigit P1 billion ang halaga ng mga pekeng sigarilyo at mga kagamitan sa paggawa ng mga ito ang nakumpiska sa dalawang warehouse na magkasunod na ni-raid ng mga otoridad sa Naguilian at Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay B/Gen. Angelito Casimiro, regional director ng Police Regional Office (PRO)-2, sinabi niya na batay sa imbestigasyon, iisa ang lumalabas na may-ari ng dalawang bodega.

Ang nag-aplay ng zoning permit sa Alicia, Isabela, ay si Peter Hao, Chinese national at lumalabas na siya rin ang nakapangalan sa pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Naguilian.

Ayon kay B/Gen Casimiro, taga-ibang lugar ang kinukuha nilang trabahador para hindi malaman ng mga residente sa lugar ang kanilang ginagawa.

Sa katunayan ay ang alam aniya ng mga tao sa lugar ay isa lamang itong rice mill.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kung kailan nag-umpisa ang pabrika at inaalam din nila kung sigarilyo lamang ang kanilang ginagawa.

Samantala, ang mga trabahador ay mananatili muna sa bodega sa Naguilian, Isabela.

Hihintayin muna nila ang desisyon ng Department of Justice at Bureau of Internal Revenue kung isasama sila sa kaso pero kung hindi, ay makikipag-ugnayan sila sa Department of Labor and Employment at isasailalim sila sa 14 days na quarantine gayundin sa testing.

Kapag mayroon na silang medical certificate ay ikokonsidera na silang locally stranded individuals.

Dagdag ni Casimiro, sila mismo ang makikipag-ugnayan sa kanilang mga lugar para makauwi na ang mahigit 100 na trabahador ng dalawang warehouse.