-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga paputok na nakumpiska ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kasagsagan ng Bagong Taon.

Ayon kay NCRPO chief PBGen. Debold Sinas, as of January 3, 2020, mula sa P491,000 ay umabot na ngayon sa P1.1-milyon ang nakumpiksa ng PNP, na resulta ng serye ng mga operasyon na bahagi ng “Oplan Iwas Paputok.”

Sa datos ng NCRPO, ang Eastern Police District (EPD) ang nanguna sa accomplishment sa mga nakumpiskang paputok na umabot sa P297,000; sinundan ng Manila Police District (MPD) na may P247,000; at Northern Police District, Southern Police District; at Quezon City Police District.

Ani Sinas, karamihan sa mga nakumpiska ay mga ipinagbabawal na uri ng paputok gaya ng Piccolo, Super Lolo, Plapa, Lolo Thunder at Big Triangle.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Sinas na ang tagumpay sa pagpapatupad ng Ligtas Paskuhan 2019 ay dahil sa maigting na kampanya ng mga awtoridad at pagpapaalala sa publiko na gumamit na lang ng alternatibong paputok.