KORONADAL CITY – Nasa mahigit kalahating milyon umano ang tinangay ng mga suspek matapos na brutal na pinatay ang mag-inang Eribal sa Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Ito ang inihayag ni Mr. Eribal, asawa ng biktimang si Ginang Noralyn Delfin Eribal at ang kanilang 8 taong gulang na batang lalaki sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Eribal, nasa halos kalahating milyon na alahas at P70,000 na cash ang kinuha ng mga suspek sa loob ng kanilang bahay at ito ang nakikita niyang dahilan kung bakit pinaslang ang mag-ina nito.
Halos hindi pa matanggap ng sundalong Eribal ang nangyari sa kanyang mag-ina kung saan sinabi pa nitong sana ay kinuha nalang ang pera at mga alahas at hindi na pinaslang ang mga mahal nito sa buhay.
Sa ngayon ay pinalakas pa ng Isulan PNP ang kanilang malalim na pag-imbestiga sa kaso upang makilala ang mga suspek.
Inihayag ni Police Lt. Col. Garry Marfil, hepe ng Isulan MPS na hindi rin inaalis ng mga pulis ang anggulong kakilala ng mga biktima ang suspek dahil nakapasok ito ng maayos.
Napag-alaman na nagpapautang ng pera ang biktimang si Ginang Noralyn.
Sa ngayon ay may nakadeploy na unit ng 38th IB Philippine Army sa bahay ng mga Eribal na mga kasamahan ni Mr. Eribal upang magbantay sa seguridad at handang tumulong sa pagtugis sa mga suspek.