Mahigit 9,000 na mga foreign guests na ang pumasok sa Pilipinas magmula nang binuksan ulit sa mundo kamakailan ang borders ng bansa, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na 9,283 turista ang bumisita sa Pilipinas hanggang kahapon, Pebrero 14.
Mula sa naturang bilang, 4,209 dito ang mga “balikbayan” o returning Filipinos habang 5,074 naman ang foreign tourists.
Karamihan sa mga dumating sa bansa ay galing sa America na may 2,227 arrivals, na sinundan ng Canada na may 661 arrivals, 404 arrivals naman ang sa Australia, 344 ang mula sa United Kingdom, 189 ang mula sa South Korea, 169 ang mula sa Japan, at 168 naman ang mula sa Germany.
Sinabi ni Romulo-Puyat na sila sa DOT ay excited sa revival ng local tourism at patuloy din nilang susuportahan ang iba’t ibang partners nila para maabot ang kanilang goals.