Aabot na sa mahigit 80,000 ang mga stranded overseas Filipino workers (OFWs) ang nakauwi ng bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa pagdinig ng House committee on public accounts, sinabi ni DFA Usec. Sarah Arriola na 25,777 stranded OFWs ang nakauwi na ng bansa sa nakalipas na mahigit dalawang linggo mula sa 60 bansa at 132 cruise ships.

Hanggang kahapon, Hulyo 13, sinabi ni Arriola na 82,057 na ang mga repatriated OFWs, kubg saab 38,308 dito ang sea-based at 43,749 naman ang land-based.

Naging posible aniya ito dahil sa pagkalampag ng Kamara sa Manila International Airport Authority (MIAA) sa nakalipas na pagdinig na payagan ang paglapag ng mas maraming chartered flights sa bansa kasunod nang pagpapaluwag sa quarantine protocols noong nakaraang buwan.

Sa kabilang dako, umapela naman ang DFA sa mga OFWs sa United Arab Emirates (UAE) na makipag-ugnayan sa embahada ng bansa para maasikaso kaagad ang kanilang pag-uwi ng Pilipinas.

Ayon kasi kay House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Jonathan Sy-Alvarado, sinisingil ngayon ng overstaying fees ang mga stranded OFWs sa UAE.

Kaya ayon kay Arriola, dapat makipag-ugnayan kaagad sa embahada ng Pilipinas para sa agarang pagtulong din sa overstaying fine upang sa gayon ay makauwi na rin ng Pilipinas ang mga stranded OFWs na ito sa lalong madaling panahon.